Imus City, Cavite – Abril 7, 2026
Matagumpay na naresolba ng Cavite Police Provincial Office (PPO) ang kaso ng robbery hold-up sa bayan ng General Emilio Aguinaldo, Cavite matapos maaresto ang dalawang suspek at mabawi ang halos kabuuang halaga ng ninakaw na pera.
Ayon kay PMAJ Hilario G. Lacaste Jr., Hepe ng General Emilio Aguinaldo Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 7:30 ng gabi noong Abril 6, 2026 sa isang gasoline station. “Agad na kumilos ang aming mga tauhan para sa hot pursuit operation. Nasundan ang mga suspek sa Alfonso Road kung saan isa sa kanila ay nagtangkang paputukan ang ating mga pulis. Sa kabila ng panganib, nanindigan ang ating kapulisan upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad,” ani Lacaste.
Sa operasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng isang shotgun, motorsiklong ginamit sa pagtakas, dalawang cellphone, isang kutsilyo, at P33,420 na pera. Isa sa mga suspek ay nagtamo ng sugat at agad dinala sa Mendez Specialist Hospital, habang ang kanyang kasama ay pansamantalang nakatakas.
Sa tuloy-tuloy na follow-up operations, naaresto ang ikalawang suspek kinabukasan, Abril 7, 2026, sa Alfonso, Cavite. Narekober mula sa kanya ang karagdagang P66,520, na nagdala sa kabuuang nabawing pera na P99,940.
Pinuri ni PCOL Ariel R. Red, Provincial Director ng Cavite PPO, ang maagap na aksyon ng kapulisan. “Hindi natitinag ang ating kapulisan sa pagtugis sa mga kriminal. Sa pamamagitan ng maagap at tuloy-tuloy na operasyon, naaresto ang parehong suspek at nabawi ang halos kabuuang halagang ninakaw. Ipinapakita nito ang ating matibay na dedikasyon na panatilihing ligtas ang ating mga komunidad at mapanagot ang mga lumalabag sa batas,” pahayag ni Red.
Samantala, binigyang-diin ni PLT Sarah Jane F. Drio, Chief ng Provincial Public Information Office (PPIO), na patuloy na magpapatupad ng mas pinaigting na operasyon ang Cavite PNP upang masawata ang kriminalidad at mapanatili ang kapayapaan sa buong lalawigan.

