Lobo, Batangas – Sa harap ng mga ispekulasyon at maling akala tungkol sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Lobo, Batangas, nilinaw ni Mayor Geronimo “Emo” Alfiler na ang kanyang pag-upo sa posisyon ay hindi bunga ng pamumulitika, kundi isang legal na hakbang upang mapanatili ang maayos na operasyon ng pamahalaang lokal.
“Hindi ko inagaw ang posisyon bilang Mayor. Sinunod ko lamang ang batas upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaang bayan dito sa Lobo,” pahayag ni Alfiler sa isang panayam.
Ang kanyang hakbang ay nakabatay sa legal na mandato ng pamahalaan, na siyang nagbibigay ng karapatan sa susunod na inihalal na opisyal upang gampanan ang mga tungkulin sakaling magkaroon ng vacuum o pagkaantala sa liderato. Ayon kay Alfiler, hindi personal na interes ang kanyang motibasyon, kundi ang pagsigurong hindi mapipinsala ang serbisyo publiko.
“Hindi ito tungkol sa kapangyarihan. Ito ay tungkol sa responsibilidad,” dagdag niya. Sa kabila ng mga puna at agam-agam mula sa ilang sektor, pinaninindigan ni Mayor Alfiler ang kanyang dedikasyon sa tapat na paglilingkod sa bayan ng Lobo.
Kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pagpapatuloy ng mga programang pangkalusugan, edukasyon, agrikultura, at mga proyektong pang-imprastraktura na makikinabang ang mas nakararami. Pinapanatili rin ng kanyang opisina ang bukas na komunikasyon sa publiko, anuman ang kulay ng politika. Sa darating na mga buwan, hangad ni Alfiler na mas mapalalim pa ang tiwala ng taumbayan sa isang lideratong nakatuon sa serbisyo at kaayusan.