Leila de Lima, Nagnanais Maglingkod Muli bilang Unang Nominee ng ML Party-list

Cavite City – Muling lumalantad sa pambansang entablado si dating Senadora Leila de Lima bilang unang nominee ng ML Party-list, isang hakbang na naglalayong maghatid ng bagong sigla sa kanyang matibay na adbokasiya para sa karapatang pantao, hustisya, at mabuting pamamahala. Kilala si De Lima sa kanyang tapang at katatagan, lalo na sa kabila ng matinding mga pag-uusig na pulitikal. Ang kanyang pagkakahirang bilang nominee ng ML Party-list ay simbolo ng kanyang patuloy na paninindigan para sa katotohanan at pananagutan sa gobyerno, pati na rin ng pagnanais na magsulong ng tunay na reporma at proteksyon ng demokratikong halaga sa bansa.

Sa isang panayam, ibinahagi ni De Lima ang kanyang mga layunin sa pagiging bahagi ng ML Party-list, isang multi-sectoral organization na naglalayong bigyan ng boses ang mga marginalized sectors tulad ng kababaihan, kabataan, manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lungsod, mga katutubo, LGBTQIA+, PWDs, at mga nakatatanda. Ayon kay De Lima, “Dapat nating maunawaan na ang ML o Mamamayang Liberal ay isang multi-sectoral party-list na kinakatawan ang iba’t ibang marginalized sectors—kababaihan, kabataan, manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lungsod, mga katutubo, LGBTQIA+, PWDs, at mga nakatatanda. Sa ML Party-list, agad naming tinukoy kung ano ang mga prayoridad na batas para sa bawat sektor.”

Isa sa mga pangunahing adbokasiya ng ML Party-list ay ang pagsusulong ng mga pagbabago sa Party-list System Law. Binigyang-diin ni De Lima na ang party-list system ay orihinal na itinadhana upang magbigay ng tunay na representasyon sa mga marginalized sectors, ngunit sa kasalukuyan, may mga party-list na tila extension lamang ng mga political dynasties at may mga grupong suportado ng mga negosyante at kontratista na naghahanap lamang ng pansariling interes. Ayon kay De Lima, “Isinusulong din namin agad ang mga amyenda sa Party-list System Law—at ito’y sumasaklaw sa lahat. Ang party-list system ay para sa tunay na representasyon ng mga marginalized na sektor. Pero ang nangyayari ngayon, may ilang party-list na tila extension lang ng political dynasties. Mayroon ding suportado ng mga negosyante at kontratista para sa pansariling interes.”

Sa kabila ng pagiging isang bagong party-list, ang ML ay agad nakilala bilang isang organisasyon na kinikilala ng Liberal Party. Ipinahayag ni De Lima, “Kahit bagong party-list ang ML, ito ay kinikilala na bilang isang multi-sectoral organization na inaprubahan ng Liberal Party para bigyang boses ang mga walang boses sa lipunan.” Ipinagmalaki niya ang kanilang layunin na magbigay ng plataporma para sa mga sektor na matagal nang pinapalampas sa mga usapin ng gobyerno at pamamahala.

Sa kabuuan, ang kandidatura ni De Lima sa ML Party-list ay hindi lamang isang personal na hakbang upang muling makapaglingkod sa bayan, kundi isang simbolo ng kanyang patuloy na pangako sa paglaban para sa karapatan ng bawat mamamayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Ang kanyang paglahok sa party-list race ay nagsisilbing pag-asa para sa mga naghahangad ng isang makatarungan at tunay na demokratikong gobyerno.

Related Post