Pambansang IA Congress: Mga Hamon sa Agrikultura at Irigasyon, Tinalakay

Laurel, Batangas – Pinangunahan ng National Irrigation Administration (NIA) sa pangunguna ni Engr. Eduardo Eddie G. Guillen ang Pambansang Kongreso ng Irrigators Association (IA) na ginanap sa Canyon Woods Resort Hotel noong Abril 1-4, 2025. Dinaluhan ito ng mga pangulo ng Provincial Federation of Irrigators Associations mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang pag-usapan ang Programa ng Pambansang Pamahalaan para sa Sariling Sapat sa Agrikultura. Ang kongreso ay naging daan upang maipaliwanag sa mga magsasaka ang kanilang mahalagang papel sa pagsigurong sapat ang produksyon ng pagkain sa bansa. Bukod dito, tinalakay rin ang mga pangunahing hamon na maaaring makahadlang sa tagumpay ng programa, at nagbigay-daan sa pagpaplano ng mga solusyon para sa mas epektibong pagpapatupad nito.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos, na siya ring Tagapangulo ng Senado para sa NIA, ang pangangailangang ayusin ang mga pasilidad sa irigasyon. Ayon sa kanya, “Noong panahon ng tatay ko, kinikilala ang NIA bilang isa sa pinakamahusay na ahensya sa buong mundo. Ngayon, marami sa ating mga kanal, dam, at imbakan ng tubig ang sira-sira na. Ang kakulangan sa pagtatanim ng puno at ang patuloy na pagkasira ng kagubatan ay nagdudulot ng kakulangan sa tubig, na siyang nagiging problema natin sa agrikultura.” Ayon pa sa kanya, sa susunod na dekada, ang tubig ay magiging kasinghalaga ng ginto, kaya mahalaga ang patuloy na suporta sa mga communal irrigation projects upang matugunan ang lumalalang krisis sa pagkain.

Sa isang ambush interview, sinagot din ni Senadora Marcos ang isyu tungkol sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Ipinaliwanag niya na hindi pa tiyak kung matutuloy ito ngayong taon dahil sa hindi pagkakasundo ng Senado at Kongreso sa haba ng termino ng mga opisyal. “Sa Senado, nagkasundo kami sa apat na taon, habang sa Kongreso naman, anim na taon ang kanilang mungkahi. Dahil dito, hindi pa ito napagkakasunduan kaya pagbalik namin sa Hunyo, ito ay muling tatalakayin at pagdedesisyunan,” aniya. Nilinaw din niyang hindi pansamantalang extension ang pinag-uusapan kundi isang ganap na amyenda sa Local Government Code.

Dagdag pa ni Marcos, malaki ang posibilidad na hindi matuloy ang BSKE ngayong taon. “Kung mapagkasunduan ang apat na taon, ang susunod na eleksyon ay sa 2027. Kung anim na taon naman ang aprubahan, sa 2029 ito magaganap,” paliwanag niya. Ang mga pahayag ng senadora ay nagbigay-linaw sa patuloy na kawalang-katiyakan tungkol sa halalan, habang ang IA Congress naman ay hindi lamang tumuon sa irigasyon at agrikultura kundi pati na rin sa iba pang mahahalagang isyung pambansa na may direktang epekto sa lokal na pamamahala.

Related Post