Dasmariñas City, Cavite – Marso 25, 2025Sa isang makasaysayang gabi sa City of Dasmariñas Grandstand, libu-libong Dasmarineño ang nagtipon upang ipakita ang kanilang suporta sa Team Dasma, sa pangunguna ni Dasmariñas City Mayor Jennifer Austria Barzaga. Ang Proclamation Rally ay dinaluhan ng mga kilalang personalidad sa larangan ng politika, kabilang sina Senator Francis “Tol” Tolentino, Governor Athena Tolentino, at AGIMAT Partylist Representatives Cong. Bryan Revilla, Agimat second nominee Sam Panlilio, at Hon. Ram Revilla na kasalukuyang tumatakbo bilang Bise Gobernador ng lalawigan. Dumalo rin sina Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at Lani Mercado Revilla upang ipahayag ang kanilang suporta.






Bagama’t hindi nakadalo nang personal, ipinahatid ni Senatorial Candidate Camille Villar ang kanyang mensahe ng pagsuporta sa Team Dasma sa pamamagitan ng isang video message. Isa-isa namang nagbahagi ng kanilang mensahe at mga plano para sa lungsod ang mga miyembro ng Team Dasma, na nagbigay-diin sa kanilang hangarin na ipagpatuloy ang pag-unlad ng Dasmariñas. Sa kanyang talumpati, muling ipinaalala ni Mayor Jenny Barzaga ang diwa ng pagkakaisa at pagmamahalan na siyang pundasyon ng kanilang liderato. “Noong nabubuhay pa si Congressman PD, kinilala siya bilang ‘Action Man ng Dasma.’ Nang siya ay mawala, hindi biro ang hinaharap naming pagsubok at lungkot, ngunit dahil sa inyong suporta, nagkaroon ako ng inspirasyon upang ipagpatuloy ang aming nasimulan,” ani Mayor Barzaga.
Sa nasabing pagtitipon, ipinakita rin ng Team Dasma ang mga natapos na proyekto at inilunsad na mga programa na patuloy na magdadala ng progreso sa lungsod. Kasabay nito, nagbigay pugay rin ang lahat ng kandidato sa kaarawan ng yumaong Congressman Pidi Barzaga, na kinikilala bilang Ama ng Dasmariñas.Bilang pagtatapos ng programa, isang masayang handog ang ibinigay ng sikat na singer at aktres na si Gigi De Lana, na nagbigay ng makulay na pagtatanghal kasama ang kanyang bandang Gigi Vibes. Sinundan ito ng isang engrandeng fireworks display na lalong nagpasigla sa gabi ng Proclamation Rally. “Maraming salamat sa lahat ng ating taga-suporta, mga boluntaryo, at sa bawat Dasmarineñong patuloy na naniniwala sa ating adhikain. Sama-sama nating ipagpapatuloy ang pag-unlad ng Dasmariñas tungo sa isang mas inklusibo at mas maliwanag na kinabukasan!” pagtatapos ni Mayor Jenny Barzaga.