Ipinahayag ni Senator Francis Tolentino ang mga Bagong Batas na Ipinaglaban para sa mga Mamamayan ng Balayan at Tuy sa Batangas

Balayan, Batangas – Marso 1, 2025, muling nagkaisa ang mga residente ng Balayan at Tuy upang ipakita ang kanilang suporta sa mga piling kandidato sa senado sa isang pagtitipon na ginanap sa isang event center sa Balayan. Layunin ng kaganapan na paunlarin ang Unang Distrito ng Batangas, at kabilang sa mga dumalo ay sina Senator Francis “Tol” Tolentino, Senator Lito Lapid, Congresswoman Lani Mercado-Revilla na kumakatawan sa kanyang asawa na si Senator Ramon “Bong” Revilla, pati na rin ang mga nagbabalik-senado na sina dating Senator Gringo Honasan, Panfilo Lacson, at Manny Pacquiao. Pinangunahan naman ang kaganapan ni dating Senator Loren Legarda at Batangas Congressional candidate Leandro Legarda Liveste.

Sa kanyang talumpati, isa sa mga pinakamahalagang mensahe ni Senator Tolentino ay ang kanyang mga nagawa sa nakaraang mga taon. “Maraming nagtatanong kung ano ang nagawa ko? Tingnan niyo ang Tagaytay, yan ang nagawa ko. At tingnan niyo rin ang record ko bilang MMDA Chairman, maging ang record ko bilang Senate Majority Leader,” aniya. Ibinida niya ang mga proyekto at batas na naipasa sa ilalim ng kanyang pamumuno, kabilang na ang Magna Carta para sa mga Barangay Health Workers (BHW) na nagbibigay ng honorarium mula sa Department of Health (DOH) sa lahat ng BHW.

Hindi rin pinalampas ni Senator Tolentino ang pagtulong sa mga riders, isang isyu na malapit sa kanyang puso. “Meron din akong batas na isinulong na malapit sa puso ko, na kung saan ipinaglaban ko yong mga rider dahil lagi silang hinuhuli ng Land Transportation Office (LTO). Simula ngayon, hindi na sila huhulihin kung may temporary plate,” paliwanag niya. Kasama nito ang kanyang pangarap na makapasa ng isang batas na magbibigay ng overtime pay sa mga delivery riders, na malaki ang ambag sa paghatid ng mga produkto at pagkain sa mga mamamayan.

Isang makabuluhang hakbang din na ipinahayag ni Senator Tolentino ay ang Senate Bill 2699, isang batas na magbibigay ng diskwento sa internet load ng mga estudyante. “Bago kami nagtapos ng session, meron akong naipasang batas na makakatulong sa inyong mga anak. Ito ang Senate Bill 2699 kung saan ang mga kabataan na lingo-lingo ay gumagastos ng 200 to 300 pesos para sa internet load ay magkakaroon ng discount,” saad niya. Layunin ng batas na ito na matulungan ang mga estudyante, partikular na sa panahon ng online learning.

Bilang pangwakas, ipinaabot ni Senator Tolentino ang kanyang mga plano para sa karagdagang mga hakbang upang magbigay ginhawa sa mga mamamayan. “Patuloy ko rin isinusulong na maalis ang value added tax o VAT sa kuryente, para bumaba ang singil sa kuryente,” aniya. Ang kanyang mga pahayag ay sinalubong ng palakpakan at sigawan mula sa mga residente ng Balayan at Tuy, na nagpamalas ng kanilang suporta sa mga makikinabang sa mga bagong batas na isinusulong ng senador para sa kanilang kapakanan.

Related Post