Tanza, Cavite – Noong Pebrero 27, 2025, ipinagdiwang ng bayan ng Tanza ang ika-111 anibersaryo ng pagkakatatag nito sa isang makulay at masayang selebrasyon na pinangunahan ni Mayor Yuri A. Pacumio. Kasama rin sa parada si Vice Mayor SM Matro at iba pang lokal na opisyal, pati na rin ang mga aspiranteng pulitiko at mga opisyal mula sa iba’t ibang barangay ng bayan. Nagbigay saya sa mga tao ang street dancing at ang parada ng mga float mula SM Tanza na dumaan mula Daang Amaya patungong Plaza San Agustin sa Poblacion, na pinagsama ang mga NGO at mga pribadong organisasyon.

Isa sa mga panauhing pandangal si Senator Imee Marcos, na labis na nagalak sa makikita niyang patuloy na pag-unlad ng Tanza, isang bayan na nagsimula bilang isang maliit na barangay ng mga mangingisda at ngayon ay isa nang malaking at maunlad na komunidad. Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Senator Marcos ang kasaysayan ng bayan at ang buhay na pananampalataya ng mga taga-Tanza. Pinuri niya ang buong komunidad para sa kanilang katatagan at pag-unlad, at binigyang-diin ang kahalagahan ng kanilang ugnayan sa kanilang patron, si Saint Augustine.
Bilang bahagi ng kanyang mensahe, tinalakay din ng Senator ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno upang mapabuti ang buhay ng mga mamamayan ng Cavite, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Binanggit niya ang hindi pagkakapantay-pantay ng minimum wage sa Cavite at Metro Manila, at nanawagan siya ng pagtaas sa sahod upang matulungan ang mga pamilya sa pagtugon sa tumataas na presyo ng pagkain at gasolina. Ibinahagi rin niya ang mga programa tulad ng Social Pension para sa mga senior citizens na tumatanggap ng P1,000 buwan-buwan para sa kanilang mga pangangailangan, pati na rin ang pagbibigay ng cash gift sa mga centenarians.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, tinalakay ni Senator Marcos ang mga bagong batas tulad ng libreng libing para sa mga mahihirap, at ipinahayag ang kanyang patuloy na suporta sa mga mamamayan. Binanggit niya na sa kabila ng mga pagsubok, may mga solusyon na darating, at siniguro niya na patuloy ang kanyang pagtulong sa mga taga-Tanza at sa buong Cavite. “Imee-solusyon,” aniya, bilang simbolo ng kanyang pangako sa kanilang mga pangangailangan.