Senador Francis “Tol” Tolentino Pinangunahan ang Pamamahagi ng Fiber-Reinforced Plastic Boats sa Naic, Cavite

Naic, Cavite – Bilang bahagi ng pagsuporta sa kabuhayan ng mga mangingisda, isinagawa ang pamamahagi ng Fiber-Reinforced Plastic (FRB) Boats sa ilalim ng F/B Pagbabago Livelihood Development Program na may temang “Bangka Ko, Gawa Ko.” Ang programang ito ay pinangunahan ng LGU-Naic sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) CALABARZON at Department of Agriculture (DA). Pinangunahan ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang distribusyon ng mga bangka, na ipinagkaloob sa limang samahan ng mangingisda bilang suporta sa kanilang hanapbuhay. Ang mga nakatanggap ay ang Samahan ng Mangingisda sa Bagong Kalsada, Samahan ng Buhay Dagat, SGG Fisherfolks Organization, Mamamayang Umaasa sa Biyaya ng Ilog at Dagat, at Alyansa de Mangingisda.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Senador Tolentino ang pagtupad ng pamahalaan sa pangakong tulong matapos ang oil spill noong nakaraang taon. Aniya, “Tinupad lang namin ng BFAR at DA ang pangako noong isang taon na pagkatapos ng oil spill ay pagkakalooban kayo nito (FRB Boats), kaya gamitin ninyo ito nang maayos para sa inyong pamilya.” Hinimok din niya ang mga miyembro ng kooperatiba na magtulungan para sa ikauunlad ng kanilang kabuhayan. “At siguro, ang mga miyembro ng kooperatiba ay dapat magtulungan. Hangad at dalangin natin ang inyong ligtas na paglalayag at masaganang huli mula sa biyayang dagat na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon,” dagdag pa niya.

Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang sektor ng pangingisda at tiyakin ang mas maunlad na kabuhayan para sa mga mangingisda sa Naic, Cavite. Sa pamamagitan ng mga bagong bangka, inaasahang mas mapapadali at magiging mas ligtas ang kanilang pangingisda, na magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa kanilang pangkabuhayan at pag-unlad ng kanilang komunidad.

Related Post