Senador Francis “Tol” Tolentino Dumalo sa 2024 Metro Manila Film Festival

Parañaque City – Isinagawa ang pinakahihintay na “Gabi ng Parangal” ng Metro Manila Film Festival (MMFF) noong Disyembre 27, 2024, sa Solaire Grand Ballroom ng Solaire Resort Entertainment City. Sa prestihiyosong gabing ito, pinarangalan ang kahusayan sa pelikulang Pilipino, kabilang ang mga natatanging pelikula, direktor, manunulat, at artista na nagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa industriya. Itinampok din ang mga pambihirang pagtatanghal at tagumpay sa teknikal, na nagpakita ng yaman ng talento ng mga Pilipino sa paggawa ng pelikula. Isa sa mga kilalang panauhin sa gabi ay si Senador Francis “Tol” Tolentino, dating MMDA at MMFF Chairman. Ang presensiya ng senador ay nagbigay ng higit na dangal sa okasyon, patunay ng kanyang patuloy na suporta sa sining at industriya ng pelikula sa Pilipinas. Ang kanyang mga taon ng pamumuno sa MMDA at MMFF ay nakatulong upang mapalago ang pagkamalikhain at mapatatag ang pundasyon ng pelikulang Pilipino.

Ang gabing ito ay hindi lamang pagdiriwang ng pinakamahuhusay sa pelikula kundi pati na rin ng patuloy na pag-unlad ng sining at kwentong Pilipino. Ang partisipasyon ni Senador Tolentino ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkilala at suporta sa lokal na talento, na nagbigay inspirasyon sa mga artista at filmmaker na pagbutihin pa ang kanilang likha.

Sa isang kaswal na ambush interview ng media, mahinahon at puno ng sigla na sinagot ni Senador Tolentino ang mga tanong tungkol sa katatapos lamang na MMFF. Nang tanungin kung kumusta ang festival, sinabi niya, “Ok naman, deserving naman lahat yong awardees.” Tungkol naman sa mga pagbabago ngayong taon, binigyang-pansin niya ang pagdaragdag ng student categories. “Siguro yong pag-include ng student categories, malaking bagay na yon. Saka andami ngayong nanggaling sa theater,” aniya, na nagpapakita ng lumalaking pagkakaiba-iba ng festival. Nang tanungin kung paano ito naiiba noong siya ang namuno sa MMDA, sinabi niyang, “Pareho namang masaya, siguro ngayon mas maganda yong venue. Nandoon pa rin ang kagustuhan na umunlad ang pelikulang Pilipino.”

Pinuri rin niya ang kalidad ng mga kalahok na pelikula ngayong taon. “Ang gagaling dahil mas maraming creative ngayon. Marami ngayong teknolohiya na nakakatulong, nakakagawa ng cinematography, sounds at iba pa,” aniya. Sa pagtatapos ng panayam, hinimok ni Senador Tolentino ang publiko na suportahan ang MMFF sa nalalabi nitong araw at nagbigay ng mainit na pagbati: “Suportahan natin ang Metro Manila Film Festival at ilang araw pa ito. Happy New Year sa inyong lahat!”

Related Post