Womens Month Welfare Program sa GMA, Cavite Pinangunahan nina Governor Athena Tolentino at Senator Francis “Tol” Tolentino

Gen. Mariano Alvarez, Cavite – Ipinagdiriwang noong Disyembre 12, 2024, ang Womens Welfare Month sa pangunguna ni Cavite Governor Athena Tolentino, katuwang si Senator Francis “Tol” Tolentino at Congressman Roy M. Loyola. Sa pamamagitan ng provincial government ng Cavite, halos 2,000 kababaihan mula sa iba’t ibang sektor ang nakatanggap ng suporta at tulong. Ang programang ito ay naglalayong magtaguyod ng mas maunlad at maayos na pamumuhay para sa mga kababaihan at sa lahat ng residente ng GMA. Pinangunahan ang aktibidad ng lokal na pamahalaan ng GMA, Cavite sa pamumuno ni Municipal Mayor Maricel Echevarria Torres, kasama ang mga opisyal ng Sangguniang Bayan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Maricel Torres, “Nagpapasalamat tayo at ang ating kababaihan dito sa GMA, Cavite ay binigyang pansin ng ating gobernadora, kaya maraming maraming salamat Governor Athena Tolentino mula sa aming mga kababaihan dito sa GMA.”

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Governor Athena Tolentino, “Ang Womens Welfare Program ay mula sa provincial government of Cavite. Ito ang pagbibigay-suporta sa sektor ng mga kababaihan, na kung saan alam po natin ang sakripisyo na binibigay nila, hindi lamang sa ating mga tahanan kundi maging sa komunidad.”

Nagbigay din ng mensahe si Senator Francis “Tol” Tolentino, “Ang programang ito ay napakaganda. Ito ay nagpapakita ng pagkilala para sa ating mga kababaihan sa liderato ng kapitolyo.” Idinagdag niya ang isang mensahe para sa Pasko: “Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Ito ang mensahe ngayong Pasko. Maraming problema sa ating bansa, pero lahat yan ay mareresolba kung lahat tayo ay nagtutulungan, nagdarasal, at sinusuportahan ang mga namumuno sa atin.”

Samantala, sinabi ni Congressman Roy M. Loyola, “Mapalad kayong mga kababaihan at kinakalinga kayo ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Athena Tolentino. Ang atin pong programa ngayon ay sagisag ng pagmamahal ng isang gobernadora sa mga kababaihan. Siyempre, ang lahat ng ito ay nangyayari dahil ang adviser ng ating gobernadora ay walang iba kundi si Senator Francis ‘Tol’ Tolentino.”

Nagbigay din si Congressman Loyola ng update ukol sa bagong proyekto: “Sa Lungsod ng Carmona ay itatayo ang ikalawang Philippine General Hospital. May nakalaan nang dalawang ektarya ng lupa para dito, at magiging prayoridad nito ang bawat mamamayan ng Cavite.” Ang Womens Welfare Program ay isa sa mga patuloy na inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite upang kilalanin at suportahan ang mahalagang papel ng kababaihan sa lipunan.

Related Post