Kumakalalat ngayon ang isang video — na trending ngayon sa social media — tungkol sa feeding program na gagawin sana sa bakuran ng isang public school sa Brgy. Tabon, Kawit, Cavite.
Bago isagawa ang feeding program, humingi ng permiso ang pangkat nina dating Cavite 1st district Congressman Boy Blue Abaya, at ang negosyanteng si Gerry Ramos at buong pwersa ng Team Abaya-Ramos sa mga opisyal ng paaralan sa Brgy Tabon kahapon Oktubre 13, 2024.
Nakahanda na ang lahat para simulan ang feeding program sa mga residente ng Brgy. Tabon nang sa di- inaasahan, bigla, sa ultimo oras, binawi ang permiso o pahintulot na idaos ang aktibidad para magpakain at magbigay ng tulong ang tropa ng Team Abaya-Ramos,
Pinigil ba dahil ang Team Abaya-Ramos sa pangunguna ni Boy Blue Abaya at Gerry Ramos ay kapwa kandidato sa midterm elections sa Mayo 12, 2025?
Si Boy Blue ay kandidato para alkalde at si Ramos ay kandidatong bise-alkalde at ang mga kasama ay mga kandidato namang konsehal ng bayan ng Kawit?
Hindi maliwanag ang dahilan ng pagbawi ng permit na doon idaos ang feeding program, at bakit ang pagbawi ay sa mga huling oras, sa panahong handa na, at naroroon na ang makikinabang sa pagpapakain.
Hindi ang tropa nina Abaya at Ramos ang nasaktan, ang nagulo at nagutom sa pagbawi ng permiso kungdi ang mga residente ng Brgy. Tabon.
Mabuti na lamang ay nakagawa ng paraan ang tropang Abaya-Ramos at a nailipat ang programa sa Villa Ramirez Covered Court sa Tabon 1.
Maayos at masayang naidaos ang feeding program ng tropang Abaya-Ramos na ipinagpasalamat ng mga nakinabang sa aktibidad, at ang kahilingan ng mga benepisyaryo na sana maulit ang gayong makataong serbisyo.
Sa pangyayari, may mga nagtatanong: bakit biglang binawi — sa huling oras — ang permiso, mayroon bang nag-utos, at kung mayroon nga, sino iyon?
Bilang mga lingkod-bayan, marapat na sabihin ng mga opisyal ng public school ang (mga) dahilan ng pagbawi sa permiso sa pagdaraos ng feeding program.
Handa ang pahayagang ito na ilathala ang iyong paliwanag, kung ipahihintulot na ibigay sa amin ang mga dahilan ng biglaang pagbawi sa permiso na ibinigay sa tropang Abaya-Ramos.
Serbisyo publiko ang hangad ng tropang Abaya-Ramos at walang masama dito, at dapat pa nga ito ay pinasasalamatan at hinihikayat na gawing palagi para makatulong sa mga mas nangangailangan.
Sana, di na maulit ito dahil ang mas napeperwisyo ay ang taumbayan — ang mga residente ng Kawit.
Dapat bukas ang paaralan sa sinoman, pagkat iyon ay naroroon para gamitin at magsilbi sa bayan.
Itinayo iyon para maglingkod sa tao, sa lahat at hindi dapat tumitingin sa anomang kulay ng politika.
Maghihintay ang pahayagang ito sa inyong ibibigay na paliwanag.
Maghihintay kami sa inyong reaksiyon, komento, anomang oras.
Para sa kaliwanagan, para sa kabutihan at pakinabang ng mamamayan.
Tandaan natin, serbisyo lamang, walang personalan.
Lalong walang politika pagkat malayo pa ang halalan.