Camp BGen Pantaleon Garcia, Lungsod ng Imus, Cavite – Isinagawa ng Cavite Police Provincial Office (PPO), sa pamumuno ng Acting Provincial Director na si PCOL Dwight E. Alegre, ang sabayang pagsira at pagtatapon ng mga nakumpiskang ilegal na paputok at piroteknikong kagamitan. Dumalo sa nasabing aktibidad ang ilang mahahalagang opisyal kabilang sina PLTCOL Sherwin Boy A. Maglana, Deputy Provincial Director for Administration; Ross Calderon ng Cavite Press Corps; Hon. Gregorio Tacus, Barangay Captain ng Poblacion 1A, Lungsod ng Imus; FO2 Donnie Ray O. Solon mula sa Bureau of Fire Protection; Maricel Cayetano, Chief ng Imus CDRRMO; PLT Rommel Demonteverde, Team Leader ng PECO Cavite; at mga kinatawan mula sa SWAT, LGU, Bureau of Fire Protection, at provincial command staff.

Mariing ipinahayag ni PCOL Dwight E. Alegre ang dedikasyon ng Cavite PPO sa pangangalaga ng kaligtasan ng publiko sa panahon ng Pasko at Bagong Taon. Aniya,
“Tinitiyak ng Cavite PPO ang kaligtasan ng lahat sa kapanahunan ng pasko at bagong taon. Ang kampanyang ito ay naglalayong itampok ang panganib na dulot ng ilegal na paputok at mga homemade na kagamitan na maaaring magdulot ng kapahamakan sa buhay at ari-arian. Ngayong araw, ipinapakita namin ang aming pagsusumikap sa pamamagitan ng tamang pagtatapon at pagsira ng mga nakumpiskang paputok at piroteknikong kagamitan alinsunod sa mga pamantayan ng kaligtasan.”






Ang inisyatibang ito ay sumusunod sa Republic Act 7183 at Executive Order No. 28 na nagtatakda ng regulasyon sa paggamit ng paputok at piroteknikong kagamitan. Dagdag ni PCOL Alegre,
“Ang pagsira ng mga mapanganib na materyales na ito ay nagpapakita ng aming dedikasyon sa pagpapatupad ng mga batas para sa kaligtasan ng publiko. Ang aktibidad na ito ay nagsisilbi ring gabay para maipaalam sa publiko ang kahalagahan ng wastong paghawak at pagtatapon ng mga paputok upang maiwasan ang mga aksidente.”
Sinimulan ang kampanya noong Disyembre 16, 2024, at isinagawa sa 8 lungsod at 17 bayan sa Cavite. Nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng iba’t ibang klase ng ilegal na paputok na may halagang Php 503,853.00, kabilang ang 918 piraso ng BOGA.
Sa pagtatapos, pinaalalahanan ni PCOL Alegre ang kanyang mga tauhan na manatiling mapagbantay at tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-iwas sa paggamit ng mga baril para sa indiscriminate firing sa panahon ng holiday season, partikular na sa Bisperas ng Bagong Taon.