Probinsya ng Cavite – April 2026 – Sagitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe sa pampublikong transportasyon, isang makabuluhang inisyatibo ang isinagawa ni Ate Tere Puno, dating konsehal ng Naic, Cavite. Sa pamamagitan ng kanyang programang Libreng Tulong-Pamasahe, nag-abot siya ng ginhawa sa mga Caviteño, partikular sa mga driver at pasahero na araw-araw na humaharap sa hamon ng oil crisis.
Ang naturang programa ay naglalayong magbigay ng tulong-pinansyal sa mga pasahero at driver upang maibsan ang bigat ng pamasahe at gastusin sa krudo. Sa kanyang mga video post, ipinahayag ni Ate Tere ang kanyang patuloy na dedikasyon na mag-abot ng tulong sa abot ng kanyang makakaya. “Hangad ko na kahit sa maliit na paraan ay maibsan ang pasanin ng ating mga kababayan,” aniya.
Bukod sa pamamahagi ng tulong-pamasahe, aktibo rin si Ate Tere sa iba pang mga proyekto para sa mga Caviteño, lalo na sa mga nangangailangan. Sa kabila ng kanyang naging karamdaman noon, hindi niya iniinda ang sariling kalagayan upang makapagbigay ng serbisyo sa komunidad.
Ang Libreng Tulong-Pamasahe ay nakikita bilang isang makataong hakbang na nagpapakita ng malasakit at pakikiisa sa mga pasahero at driver sa Cavite. Maraming residente ang nagpahayag ng pasasalamat sa kanyang inisyatibo, na nagbigay ng kaunting ginhawa sa gitna ng patuloy na oil crisis.

