Dasmarinas City, Cavite – Ang Pamilya Ko Party List ay isang samahan na naglalayong magsulong ng mga reporma at programa na magbibigay ng pantay-pantay na oportunidad para sa bawat miyembro ng pamilya, mula sa mga magulang, kabataan, hanggang sa mga senior citizens. Layunin ng grupo na mapabuti ang kalagayan ng mga pamilyang nangangailangan ng suporta, partikular sa mga aspeto ng edukasyon, kalusugan, at kabuhayan. Ayon sa kanilang misyon, ang Pamilya Ko Party List ay nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng bawat pamilya, na siyang pundasyon ng ating lipunan.
Ang Pamilya Ko Party List ay pinangungunahan ng isang bihasang abogado, si Atty. Anel Diaz, na mayroong 21 taon ng karanasan sa kanyang larangan. Nagtapos siya ng abogasiya sa Ateneo de Manila University noong 2003 at pinalad na maging Top 1 sa Bar Exams ng parehong taon. Ayon kay Atty. Diaz, “Wala tayong karanasan sa public service, ito ang unang pagkakataon na ang Pamilya Ko Party List ay sasabak sa party list elections.”
Sa kanyang pag-papatuloy, binanggit ni Atty. Diaz, “Ang Pamilya Ko Party List ay nabuo noong nakaraang taon at maswerte na ito ay na-accredit ng Commission on Elections bilang isang partylist. Ang adbokasiya at adhikain ng aming partylist ay nakatutok sa pagbibigay ng benepisyo at pantay na karapatan sa lahat ng pamilyang Pilipino. Anuman ang anyo nito, lagi naming sinasabi na we are enthusiastic for Filipino families.” Ayon pa sa kanya, “Sa kasalukuyan, iba’t ibang anyo na ang ating nakikita sa pamilyang Pilipino na labas doon sa tradisyunal o nakaugalian natin.”
Upang mas maging malinaw at mas madaling maunawaan ng nakararami, nagbigay si Atty. Diaz ng halimbawa ng acronym na binuo nila, ang “LOVABLES”, na kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng modernong pamilyang Pilipino. Paliwanag niya, “Kami ay gumawa ng isang salita na acronym na more or less sumasaklaw doon sa konsepto kung ano ang modernong pamilyang Pilipino ngayon.” Ang bawat letra ng LOVABLES ay may kahulugan na sumasaklaw sa mga pamilyang nais nilang i-representa:
L – Live-in partners
O – OFW families
V – Victims or survivors of domestic abuse
A – Adopted families
B – Blended families
L – LGBTQIA+ partners
E – Extended elderly head of the families (mga lolo at lola na nagtataguyod ng kanilang mga apo)
S – Solo or single parents
Ang LOVABLES ay nagsisilbing simbolo ng mga pamilyang nais ng Pamilya Ko Party List na magbigay ng boses at representasyon. Ayon kay Atty. Diaz, “Ito ang bumubuo sa sector na nais i-represent ng Pamilya Ko Party List. Kaya kami nagdesisyon na mag-participate sa partylist dahil sa aming mga karanasan at marami sa mga Filipino na naka-identify sa ‘LOVABLES’. Kung hindi man ikaw mismo, sigurado ako na meron kang kamag-anak at kakilala na kabilang dito.”
Sa huli, tinukoy ni Atty. Diaz ang kanilang layunin na makuha ang tiwala ng mga mamamayan. “At the end of the day, kailangan naming makonvince ang mga tao na kami ang iboto. Hopefully, magresonate ito at ma-appreciate ng ating mga kababayan. Kami ang tunay na may puso at may isang salita na Party List.” Ang Pamilya Ko Party List, mula sa isang simpleng foundation, ngayon ay humarap sa isang mas malawak na tunguhing magbigay ng tunay na serbisyo para sa mga pamilyang Pilipino sa buong bansa.